Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, kinumpirma ang pagkamatay ni Ameril Umbra Kato

by Radyo La Verdad | April 14, 2015 (Tuesday) | 1846

IMAGE_MAR052015_UNTV-News_GREGORIO-CATAPANG

Kinakailangan pang i-validate o magkaroon ng matibay na ebidensya bago kumpirmahin ng Armed Forces of the Philippines na pumanaw na nga ang founder ng teroristang grupong BIFF na si Ameril Umbra alyas Umbra Kato dahil sa cardiac arrest kaninang madaling araw.

Ito ay kahit kinumpirma na ng tagapagsalita ng BIFF na si Abu Misry Mama ang pagpanaw ng kanilang founder.

Kinumpirma rin ni MILF Peace Panel Chief Negotiator Mohagher Iqbal ang pagpanaw ni Kato subalit hindi na nagbigay ng iba pang detalye tungkol dito.

Ayon kay AFP Chief of Staff General Gregorio Pio Catapang JR., bagaman may mga pahayag na mula sa iba’t iba pa nilang sources na nakalibing na ang mga labi ni Kato sa isang baryo sa Kateman, Guindulungan, Maguindanao, hindi ito sapat upang kumpirmahin na ng AFP ang pagpanaw ni Kato.

noon pa man ay may sakit na si kato dahil dalawang beses na itong na-stroke.

kinakailangan siyang itago ng biff at magpalipat-lipat sa iba’t ibang lugar sa maguindanao upang hindi matunton ng mga otoridad.

Si Umbra Kato ang nanguna sa grupong tumiwalag sa MILF noong 2008 matapos na ideklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain o MOA-AD.

Ang MOA-AD ay ang kasunduang pangkapayapaang pinirmahan ng MILF at Dating Presidenteng Gloria Macapagal-Arroyo.

Binuo ni Kato ang Bangsamoro Islamic Freedom Movement at ang armadong grupo nito na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.

Isa rin siya sa itinuturing ng PNP na top most wanted person sa bansa at may 10 milyong
pisong reward sa sinomang makapagtuturo para sa kaniyang ikadarakip.

Nanguna siya sa paghahasik ng kaguluhan sa North Cotabato noong 2007 hanggang 2008 kung saan maraming nasawi at nasugatang sundalo at MILF members at libo-libong sibilyan rin ang naapektuhan at nawalan ng tahahanan.

Samantala, naniniwala naman si Gen. Catapang na malaking kawalan sa pwersa ng BIFF ang pagkasawi ni Kato. ( Rosalie Coz/ UNTV News Correspondent )

Tags: , , , ,