Bangsamoro bill, Economic Cha-Cha at Anti-Political Dynasty bill, tatalakayin sa huling araw ng sesyon ng Kamara

by Radyo La Verdad | June 10, 2015 (Wednesday) | 3993

HOR
Maagang sinimulan ng House of Representative ang session ngayon araw upang magkaroon sila ng sapat na oras na talakayin ang mga mahahalagang panukalang batas na nais nilang ipasa bago ang sine die adjournment bukas.

Kahapon nagdesisyon na si House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na hindi kayang ipasa ng kamara sa 3rd reading ang Bangsamoro bill.

Ang kaya lang gawin ngayong huling araw ng sesyon ay pagbigyan ang mahigit 20 kongresistang makapagsalita pa sa period of interpellation and debate.

Ayon kay AD HOC Committee Chairman Rufus Rodriguez aalisin na nila ang opt-in provision dahil sa dami ng mga kongresistang tumututol dito.

Nais ng kongersista na agad ituloy ang period of interpellation and amendments sa pagbabalik ng sesyon at tuluyan na itong ipasa bago ang filing ng certificate of candidacy sa October 16.

Samantala plano ring ipasa ng kamara sa 2nd reading ang Anti-Political Dynasty bill.

Sa panukalang batas na ito lilimitahan na ang mga magkakamag-anak na kumakandidato.

Dito pinapayagan lamang tumakbo sa national o local position ay hanggang dalawang miymebro ng pamilya na pasok sa second degree of consanguinity or affinity tulad ng tatay, nanay, anak, kapatid, asawa at anak ng kapatid, asawa ng anak, apo, asawa ng apo, tiyo o tiya at asawa nito.

Isa pa sa mga panukalang batas na posibleng ipasa ng kamara sa ikatlo at huling pagbasa ay ang kontrobersyal na Economic Cha-Cha na akda mismo ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr.

Sa panukalang batas na ito may pagkakataon nang bumili at magmayari ng malalaking lupain ang mga foreign investors sa Pilipinas.

Upang maipasa nangangailangan ito ng 3/4 o 217 affirmative votes mula sa 289 House members.

Tutol dito ang Makabayan Bloc Congressmen dahil sa umanoy panganib na maaring idulot nito na baka dumating ang panahon na mismong mga Pilipino ay wala nang sariling lupa sa kanilang bansa.

Tags: , , ,