Bangsamoro Basic Law, hindi pa rin natatalakay sa plenaryo dahil sa kawalan ng quorum sa Lower House

by Radyo La Verdad | August 5, 2015 (Wednesday) | 1080

KAMARA
Sa pinakahuling SONA ni Pangulong Aquino nakiusap siya sa mga Kongresista at Senador na ipasa na ang panukalang Bangsamoro Basic Law.

Subalit pagkatapos ng SONA hanggang ngayon ay hindi pa ulit natatalakay ang BBL sa plenaryo.

Ito ay sa dahilang kakaunti ang mga kongresistang dumadalo sa sesyon kaya halos dalawang linggo nang walang quorum.

Kahapon wala pang 10 Kongresista ang nasa loob ng plenaryo nang magbukas at simulan ang sesyon.

Ayon kay Assistant Deputy Majority Leader Kit Belmonte ginagawa namang lahat ng liderato ng Kamara ang paraan upang masabihan ang mga mambabatas na dumalo sa sesyon

Subalit marahil ay abala na sila sa kanilang balak na pagkandidato sa 2016 National Elections.

Sa ngayon nasa dalawampung Kongresista pa ang nakapila upang kuwestiyunin ang nilalaman ng BBL.

Ayon kay Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano masyado nang delay ang pagtalakay sa BBL.

Ang Malakanyang naman patuloy ang pakiusap sa Kamara at Senado na umpisahan nang muli ang diskusyon sa BBL. (Grace Casin/ UNTV News)

Tags: ,