Dalawang beses na nagbigay ng babala ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa paggamit ng Bitcoin at iba pang virtual currency. Pebrero noong nakaraang taon, naglabas ng circular ang BSP dahil sa dumaraming bilang ng mga gumagamit ng Bitcoin.
Ayon sa BSP, hindi nila iniindorso ang paggamit ng Bitcoin at mga katulad nito dahil wala itong garantiya ng alinmang Bangko Sentral. Pero kinikilala umano ng BSP ang potential ng Bitcoin technology dahil mas mabilis at mas tipid ang pagpapadala ng pera dito sa loob o labas man ng bansa.
Yun nga lang, pwede rin itong magamit sa money laundering at pagpapadala ng pondo sa mga tetorista kaya nais nilang makontrol ang paggamit nito. Dahil dito, inobliga ng Bangko Sentral ang mga nagpapalit ng Bitcoin at ibang cryptocurrency na magparehistro.
Wala namang nakikitang problema dito si Manuel Cuneta ng Satoshi Citadel Industries, ang may-ari ng buybitcoin.ph na isa sa nagpapalit ng Bitcoin sa bansa.
Sa kabila ng circular ng BSP, hindi napigil ang marami sa pagtangkilik sa Bitcoin at ibang virtual currency. Kaya nito lamang December 29, muli silang nagpaalala sa publiko na maghinay-hinay sa pag-i-invest sa mga cryptocurrency.
Ayon sa BSP, malaki ang panganib ng pagkalugi sa mga cryptocurrency dahil mabilis umakyat at bumagsak ang halaga nito. Pinapayuhan din ang publiko na makipagtransaksyon lamang sa mga kumpanyang rehistrado sa kanila.
Payo pa ng Bangko Sentral sa mga gumagamit at nakikipag trade ng Bitcoin at iba pang virtual currency, iwasang gamitin ang email account na ginagamit sa social media gaya ng facebook; huwag ipaalam sa iba ang iyong password; gumamit ng kumplikadong password na hindi basta mahuhulaan ng iba; huwag magbukas ng account gamit ang pampublikong wi-fi connection; gumamit ng two-factor authentication at gumamit ng hiwalay na digital wallet sa pakikipag-transakyon.
Ayon pa kay Cuneta, talagang may panganib din ang bagong teknolohiya gaya ng Bitcoin pero matuturuan nito ang mga Pilipino na pagandahin ang kanilang internet security.
Isang bagay aniya ang tiyak, hindi mapipigilan ang pagdami ng mga tumatangkilik sa ganitong teknolohiya kaya tingin niya, banta ito sa tradisyunal ng sistema ng pagbabangko.
Aminado naman si Cuneta na anomang negosyo, may panganib ng pagkalugi lalo na nga kung hindi mo alam kung ano ang pinapasok mo.
Sa negosyong gaya ng Bitcoin at cryptocurrency, magbitaw lamang anila ng pera kung tanggap mo na pwede itong mawala sayo.
( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )
Tags: babala, Bangko Sentral, bitcoin