Bangkay ng lalaki na nakasilid sa garbage bag, natagpuan sa Quezon City

by Radyo La Verdad | August 25, 2015 (Tuesday) | 1680

SALVAGE
Isang bangkay ng lalaki na walang saplot sa katawan at nababalutan ng packing tape sa mukha ang natagpuang nakasilid sa isang itim na garbage bag sa gilid ng kalsada ng northbound ng NIA Edsa kaninang madaling araw.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad ang biktima ay walang pagkakakilanlan maliban sa tattoo nito sa likod na “Federico Dasig at Cesar Pacao”, nasa edad 15-20 at tadtad ng tama ng saksak sa kaliwang dibdib.

Ayon kay PO1 Valentino Asa, natagpuan ang biktima ng isang grupo ng magkakaibigan sa naturang lugar na sakop ng Barangay Pinyahan, pasado ala una ng madaling araw.

Inakala ng mga kabataan na basura ang laman ng nasabing garbage bag, pero nang kanilang silipin ay nakita nila ang kamay ng tao kaya agad nila itong ipinagbigay-alam sa Police Detachment ng PCP4.

Matapos na makumpirma ng mga pulis na tao ang laman ng garbage bag ay agad nilang tinawagan Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) at Scene of the Crime Operatives (SOCO) para masuri ang bangkay.

Sa ngayon ay patuloy na isinasagawa ng mga otoridad ang imbestigasyon at hinala nila na maaaring patay na ang lalaki nang isilid sa garbage bag at itinapon sa naturang lugar. (Reynante Ponte/ UNTV Radio)

Tags: , , , ,