Isang malaking palaisipan ngayon sa Philippine National Police kung sino ang bangkay na natagpuan sa isang sapa sa Gapan, Nueva Ecija.
Batay sa DNA test na isinagawa sa naturang bangkay, hindi si Reynaldo de Guzman alyas Kulot ang batang tadtad ng saksak.
Kumuha ng DNA sample ang PNP sa ama ni Kulot na si Eduardo Gabriel at sa ina nito na si Lina de Guzman sa pamamagitan ng buccal swabbing.
Lumalabas na hindi ito nagtutugma sa DNA ng bangkay na natagpuan sa Nueva Ecija.
Ayon sa Public Attorneys Office hindi makakaapekto sa kanilang kaso ang umano’y pinalalabas ng PNP na mistaken identity sa pagkatao ni Kulot.
Mas matimbang pa rin daw ang pagkakilala ng isang ina sa kanyang anak. Wala naman sa posisyon ang PNP para sabihin kung ampon si Kulot dahil sa hindi nag match ang DNA, ang pinanghahawakan daw nila ay ang sinabi ng mga magulang na anak nga nila ang natagpuang bangkay sa isang sapa sa Nueva Ecija.
Nanindigan ang PAO na si Kulot ang naturang bangkay, anila, ang nanay mismo ni Kulot ang tumukoy sa mga body markings gaya ng kulugo at peklat sa katawan ng bata.
(Mon Jocson / UNTV Correspondent)