Banggaan ng jeep at kotse sa Quirino Highway, nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | March 15, 2018 (Thursday) | 4689

Nakahiga pa sa kalsada ng datnan ng UNTV News and Rescue Team ang mga biktima ng banggaan ng kotse at jeep sa may Quirino Highway pasado alas singko kaninang madaling araw.

Tinulungan  ng UNTV Rescue ang isa sa mga biktima na kinilalang si Monalyn Melocoton habang ang DPOS at BFP Rescue naman ang tumulong sa ibang mga sugatan.

Idinadaing ni Melocoton ang pananakit ng tiyan at balakang. Posible rin itong nagtamo ng bali sa kanang paa.

Agad nilapatan ng first aid ng UNTV News and Rescue Team ang biktima bago ito dinala sa Quezon City General Hospital.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga otoridad kung sino ang may kasalanan sa insidente.

Samantala, sugatan naman sa iba’t-ibang bahagi ng katawan sina Rene Sia at Miguelito Basiculan matapos mabangga ng isang SUV ang kanilang sinasakyang tri cab sa Baloy, Tablon, Cagayan De Oro City kagabi.

Ayon sa driver ng tri cab na si Basiculan, pa u-turn na sana sila ng mahagip ng dumadaang sasakyan.

Agad nilapatan ng pang-unang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang tinamong mga sugat sa ulo, kamay at paa ng mga biktima bago dinala sa Northern Mindanao Medical Center.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

Tags: , ,