Ban sa pork at pork products mula sa mga bansang apektado ng African Swine Fever, ipinaalala ng DA

by Radyo La Verdad | May 27, 2019 (Monday) | 3519

METRO MANILA, Philippines – Hindi parin ipinahihintulot ng Department of Agriculture ang pagpapasok sa Pilipinas ng mga pork at pork products gaya ng mga de lata na galing sa mga bansang Russia, Romania, South Africa, Ukrain, Zambia, Belgium, Bulgaria, Czech Republic, Hangary, Latvia, Moldova, Poland, China, kasama ang Hongkong at Macau, Vietnam, Mongolia at Cambodia. Ito ang mga bansang apektado ng African Swine Fever o ASF.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, maaaring makapasok sa bansa ang naturang virus kung makakapasok sa Pilipinas ang mga kontaminadong karne o pork product.

Nitong May 20 ay kinumpiska ng Bureau of Customs sa Clark International Airport ang mga de latang “Maling” na dala ng isang OFW na mula sa Hongkong. Naibalik naman ang mga de lata nang lumapit ito sa programang “Raffy Tulfo in Action”.

Pero kinuwestyon ito ni Agriculture Secretary Manny Piñol dahil paglabag umano ito sa kautusan ng kagawaran at papaimbestigahan niya ito. Hinahanap din ng DA ang OFW.

Katuwiran naman ni Tulfo, hindi niya alam na bawal ipasok ang mga gayong de lata.

Tanong pa nito, bakit nagkalat maging sa mga kilalang tindahan ang mga de latang galing China gaya ng “Maling” at December 2018 lang ang manufacturing date nito.

Ayon pa kay Tulfo, napagalaman nitong hindi ang nakumpiskang mga de lata ang ibinalik ng Bureau of Customs sa OFW.

 “Binalik man o hindi for the sake of argument anu ngayon kung binalik? Eh ano ito? Made in China lahat ito? So sagutin ni Secretary Piñol,” pahayag ni Raffy Tulfo habang itinuturo nito ang mga nabiling “Maling.”

“Ulitin ko, Rustan’s,  Landmark, Robinson’s, Puregold, Shopwise, 711, Ministop. Puntahan mo yan sir. At December lahat ito manufacture date.” Dagdag niya.

Ayon naman sa OFW na si Aling Norma Agtara, nito lamang Abril ay nagpadala siya ng Maling sa pamamagitan ng door-to-door delivery subalit hindi naman ito naharang.

 “Kaya ako ang pinaginitan kasi yung kapitbahay ko dito na naunang umuwi sa akin may dala ring ganun sabi nung asawa niya kahapon,” sinabi ni Aling Norma.

Ayon kay Piñol, nanganganib aniya ang P200 Bilyong pisong halaga ng industriya ng baboy kung makakapasok sa bansa ang ASF.

Sa China at mga bansang naapektuhan ng ASF ay milyon milyong baboy na ang namatay na hanggang sa ngayon ay wala pang natutuklasang bakuna o lunas.

Noong nakaraang taon pa inumpisahang ipatupad ang import ban at naglagay narin ng mga K9 Units ang Bureau of Quarintine sa mga paliparan para matiyak na hindi makakapasok sa bansa ang mga ipinagbabawal na produkto.

Pagmumultahin naman ng 200 libong piso ang lalabag sa kautusan.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,