Ban ng mga pribadong sasakyan tuwing rush hour sa EDSA, iminungkahi ng grupo ng mga commuter

by Radyo La Verdad | December 17, 2018 (Monday) | 6764

Para sa mga pasaherong at mga motoristang binabaybay ang kahabaan ng EDSA, maituturing na kalbaryo ito dahil sa tagal ng biyahe na umaabot ng mahigit dalawang oras.

Isa sa nakikitang dahilan nito ay ang dami ng mga malalaki at maliliit na sasakyang dumadaan dito araw-araw.

Sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), aabot na sa 3.5 bilyong piso kada araw ang nawawala sa ekonomiya dahil sa matinding trapiko sa Metro Manila. Mas mataas sa 2.4 bilyong piso noong huling ginawa ang pag-aaral taong 2012.

Ayon kay Attorney Ariel Inton ng commuters and safety protection, bukod sa padaragdag at pagpapaganda ng mass transportation system, isa sa nakikita nilang solusyon dito ang pagbabawal sa mga pribadong sasakyan sa EDSA tuwing rush hour. Ito ay tuwing alas sais hanggang alas diyes ng umaga at alas kuwatro hanggang alas otso ng gabi.

Ayon naman kay Metro Manila Development Authority EDSA Traffic Manager Bong Nebrija, tinatanggap nito ang suhestyon ng grupo ni Atty. Inton. Ngunit maaaring hindi ito makapasa sa Kongreso katulad sa kaso nang nangyari sa implementasyon ng high occupancy vehicle (HOV) nitong 3rd quater ng taon.

Ayon kay Nebirja, masusi nilang pinag-aaralan ngayon ang isa pang paraan kung paano pa malulunasan ang problema ng mabigat na trapiko sa EDSA katulad ng ban naman sa mga sasakyang galing sa probinsya tuwing rush hour.

Samantala, plano rin ng MMDA na latagan ng mga chicken wires ang kahabaan ng pedestrian sidewalk sa EDSA, maliban sa mga pribadong driveways at mga tamang sakayan at babaan ng mga pasahero.

Ito’y para mailagay sa ayos ang mga pampublikong sasakyang nagsasakay at nagbaba ng pasahero at madisiplina ang mga pedestrian.

Maliban sa programang ipinapatupad ng gobyerno at mga suhestyon mula sa ilang pribadong organisasyon, tanging kooperasyon at tamang disiplina din mula sa ating mga commuters at drivers ang sinasabing makakatulong masolusyonan ang lumalalang trapik sa Metro Manila.

 

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,