“Bamboo triad”, ginagamit na transshipment point ng droga ang Pilipinas – Pangulong  Duterte    

by Radyo La Verdad | September 27, 2017 (Wednesday) | 3131

Ginagamit umano ng tinatawag na “ Bamboo triad” ang Pilipinas bilang transshipment point ng shabu na itrina-transport nito patungo sa Estados Unidos.

Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati sa ika-limampu’t anim na anibersaryo ng Philippine Constitution Association sa Maynila kagabi.

Ang Bamboo triad ay isang umanong organized crime group na naka-base sa Taiwan at napaulat na sangkot sa iba’t-ibang krimen tulad ng drug trafficking. Nagdesisyon umano ang grupo na palawakin ang kanilang operasyon.

Kaya naman ayon sa Pangulo, dapat magkaroon ng pagtutulungan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos upang mapigilan ito.

Sa isa pang talumpati kagabi sa Pasay City, sinabi ng Pangulo na isang Hongkong based group na tinatawag na  14k ang sangkot din sa operasyon ng iligal na droga sa Pilipinas.

Muli namang sinabi ni Pangulong Duterte na hindi papayag na sirain ninoman ang bansa.

Inirerespeto umano nito ang konstitusyon at karapatang pantao kaya hindi kukunsintihin ang pagpatay sa mga inosenteng sibilyan.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,