Ballot boxes na ginamit sa Random Manual Audit, sinimulan nang ibalik

by Radyo La Verdad | June 20, 2022 (Monday) | 14579

Sinimulan nang ibalik ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga ballot box na ginamit Random Manual Audit sa katatapos lang na May 2022 elections.

Inuna ngayong araw ang para sa local treasurer’s office ng National Capital Region tulad ng Mandaluyong City, Marikina City, Quezon City, Pasig City at San Juan City. Isusunod naman sa mga susunod na araw ang para sa ibang lugar kasama na ang Visayas at Mindanao.

Limampu’t walong ballot boxes ang inilabas. Ito ang pinaglagyan ng mga balota sa nakaraang may 9 elections na isinailalim sa random manual audit (RMA).

Sa kabuoan 757 ang dapat sanang isailalim sa RMA, pero 746 lang dito ang nai-audit. Mayroon kasing tatlong mislabeled ballot box o ang iba ang laman na balota sa nakalagay na pangalan sa ballot box.

Mayroon ding anim na ballot box na hindi na idinaan sa Random Manual Audit dahil basa at napunit ang laman nitong balota.

Samantala, dalawang ballot box pa ang di pa idinaan sa manual audit ang lamang mga balota sapagkat walang printed at online election returns.

Ang ballot boxes na ito ay galing sa Pampanga at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ayon sa Chairperson ng Random Manual Audit na si Atty. Helen Graido, inaasahan pa nila ang desisyon ng COMELEC en banc hinggil dito kung dapat pang i-audit.

Sa ngayon, ang accuracy ng random manual audit ay 99.95 percent. Pero, paglilinaw ni Atty. Graido, hindi ito basehan sa integridad ng eleksyon. Dahil ang tini-test dito ay ang accuracy ng vote counting machine sa pagbasa sa balota.

Pagkatapos ng RMA, inaasahang maglalabas ng report ang random manual committee.

Sa ilalim ng batas dapat tapusin ito sa loob ng 45 na araw.

Nagsimula ang proseso noong nakaraang May 11, 2022 o dalawang araw pagkatapos ng halalan.

Dante Amento | UNTV News

Tags: ,