Balitang panibagong pag-aaklas sa Marawi, tsismis lamang – WESTMINCOM

by Erika Endraca | June 24, 2019 (Monday) | 7907
(C) Westmincom

MANILA, Philippines – Itinanggi ng Western Mindanao Command na walang panibagong pag-aaklas sa Marawi city kung saan speculations at hearsay lang umano ang ulat.

Ayon kay Westmincom Spokesperson Colonel Gerry Besana, hindi porket nagpulong ang isang grupo ay may masama na itong binabalak.

Aniya, kahit sino naman ay maaring bumuo ng isang grupo at magkaroon ng pagpupulong dahil sa demokrasya ng bansa. Ngunit hindi aniya ito nangangahulugan na gagawa ang mga ito ng kaguluhan.

Ginawa ni Besana ang pahayag kasunod na rin ng ulat na mayroon umanong presensya ng isis-inspired terrorist sa Juhor o pagtitipon ng mga islam sa Basak Malutlut, Lanao Del Sur.

“Tsismis, hearsay, speculation kasi mahirap namang nagpulong pulong ka lang at masama na kaagad diba?, part ng democracy natin yan e, anybody can go together, group together and come up kung ano yung mga plano pero yung plano na manggugulo ay i doubt kasi lagi naman nating kausap at kaugnayan yung mga kababayan natin particularly in marawi” ani Wesmincom Spokesperson, Col. Gerry Besana.

Una ng sinabi ni Brigadier General Romeo Brawner, Jr. Commander Ng 103rd Brigdade Ng Philippine Army, ang juhor ay naipaalam na sa kanila noon pang nakaraang buwan.

Kaugnay nito ay nagpakalat na sila ng mga sundalo para matiyak na magiging mapayapa ang kanilang banal na pagtitipon.

Dagdag pa ni Brawner, mismong ang mga kalahok din ng juhor ang nangako na sila ang mag aayos ng kanilang hanay.

Samantala sakali mang may makita silang nakikihalo na kahinahinalang indibidwal ay agad nila itong ipapaalam sa awtoridad.

Tiniyak naman ng provincial government ng Lanao Del Sur na patuloy ang pakikipag ugnayan nila sa mga municipal mayor, religious at community leaders at security sector para hindi na maulit muli ang 2017 marawi seige.

(Lea Ylagan | Untv News)

Tags: , ,