Itinuturing ng pambansang pulisya na seryoso ang balitang planong pagpapatalsik sa pwesto kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Oktubre. Patuloy na biniberipika ng PNP ang impormasyong ito na sinabi ng Pangulo.
Batay sa pahayag ng Pangulo, nasa likod ng planong pagpapatalsik sa kaniya si sina Senator Antonio Trillanes IV, ang Liberal Party (LP) at ang Communist Party of the Philippines (CPP).
Una nang itinanggi ni Trillanes ang akusasyon; gayundin si Vice President Leni Robredo na siyang tumatayong chairperson ng LP.
Para naman kay DND Sec. Delfin Lorenzana, tsismis lang ang balitang mga dismayadong militar ang nagpaplanong patalsikin ang Pangulo sa susunod na buwan.
Sa halip, ang CPP-NPA aniya ang may planong tanggaling ang Pangulo sa pwesto noon pang 2016.
Tiniyak naman ni PNP chief, Director General Oscar Albayalde na nananatiling tapat sa konstitusyon at sa chain of command ang pambansang pulisya kayat walang dahilan para isailalim sa loyalty check ang mga pulis.
Sinabi pa ni Albayalde na walang nakikita ang PNP na paglabag ng Pangulo sa konstitusyon kayat walang dahilan para kontrahin at iwan nila ang punong ehekutibo.
Gayunman, nagbanta pa din ang heneral na kakasuhan ang sino mang aktibong pulis na makikisawsaw sa pulitika.
Una nang sinabi ni Sen. Antonio Trillanes IV na mayroon nang mga sundalo at pulis na dismayado sa pamumuno ng Pangulo.
( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )
Tags: CPP, Director General Oscar Albayalde, LP