Balangiga bells, naibalik na sa bansa makalipas ang 117 taon

by Radyo La Verdad | December 11, 2018 (Tuesday) | 2572

Lulan ng C-130 plane ng U.S. Air Force, dumating kaninang umaga sa Villamor Airbase ang tatlong Balangiga bells.

Pagkababa nito sa eroplano ay agad sinuri ng mga kinatawan ng pamahalaan ang tatlong kampana. Mismong si U.S. Ambassador to the Philippines Sung Kim ang naghand-over ng mga kampana kay Defense Secretary Delfin Lorenzana.

1901 ng kunin ng mga sundalong Amerikano ang Balangiga bells bilang war booty matapos ang tinaguriang Balangiga massacre.

Ika-28 ng Setyembre 1901 nang tambangan ng mga taga-Balangiga ang Company C ng 9th Infantry Regiment ng U.S. Army, kung saan 48 Amerikanong sundalo ang nasawi.

Ang pagtunog ng kampana ang naging hudyat ng pag-atake ng mga taga-Balangiga. Bilang ganti, naglunsad ng pag-atake ang mga sundalong Amerikano at pinatay ang lahat ng lalakeng Pilipino mula 10 taong gulang pataas. Sinunog din ng mga ito ang bayan ng Balangiga at doon kinuha ang tatlong kampanya.

Para sa mga Amerikano, ang Balangina bells ay simbolo ng pagkilala sa kabayanihan at pagiging makabayan ng kanilang mga kawal sa panahon ng Filipino-American war, ngunit kailangan itong ibalik sa bansa bilang pagrespeto sa Pilipinas.

Ayon naman kay Nemecio Candilosas Duran, apo ni Vicente Candilosas na siyang nagpatunog ng Balangiga bells, nang salakayin ng mga Pilipino ang mga Amerikanong sundalo, ang mga kampana ay simbolo ng katapangan, kabayanihan at kalayaan mula sa mga Amerikano.

Ayon kay Department of National Defense Sec. Delfin Lorenzana, ang pagsauli ng Amerika sa Balangiga bells ay simbolo ng respeto ng dalawang bansa sa isa’t-isa at pagpapatibay ng alyansa ng Pilipinas at Estados Unidos.

Aniya, maisasara na rin nito ang isang mapait na yugto sa relasyon ng dalawang bansa.

Sa mga gustong makita ang Balangiga bells, maaring pumunta sa Air Force Museum para sa dalawang araw na free viewing simula bukas hanggang sa Huwebes bago ito ibalik sa Samar sa Sabado.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,