Balangiga Bells, inaasahang maibabalik na sa Pilipinas bago matapos ang taon

by Radyo La Verdad | November 15, 2018 (Thursday) | 13062

Sa isinagawang Veterance Remembrance Ceremony sa Warren Air Force Base sa Estados Unidos, pormal nang inunsyo ni United States Defense Secretary James Mattis na isasauli na ng Amerika sa Pilipinas ang Balangiga bells.

Dumalo sa programa si Philippine Ambassador to the United States of America, Jose Manuel Romualdez. Ipinapakita ni Mattis kay Ambassador Romualdez na maayos ang Balangiga bells.

Sa memorial marker nito nakasulat na ang naturang mga kampana ay mula sa Samar, Philippines.

Ang pagtunong ng kampana noong 1901 ay nagsilbing senyales ng pag-atake ng bolo tribesmen sa mga sundalong Amerikano.

Gumanti ang Company C ng 9th U.S. Infantry Group at ito ang tinaguriang Balangiga massacre.

Una nang binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Mattis noong nakaraang taon sa Defense Ministers Meeting sa Clark Air Base na ibalik ang Balangiga bells sa Pilipinas.

Matapos ang 117 taon, ibabalik na ng U.S. Government ang makasaysayang kampana.

Bagaman wala pang eksaktong petsa ang pagdating ng mga Balangiga bell, base sa inisyal na plano, dadalahin muna ang mga kampana sa isang pasilidad sa Philadelphia at doon ihahanda para naman dalahin muna sa South Korea, kung nasaan naman ang isa pang kampana.

Inaasahang kumpleto itong maibabalik sa Pilipinas bago magtapos ang taong 2018.

 

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,