METRO MANILA – Posibleng pinakamaagang dumating ang supply ng Covid-19 vaccines sa bansa sa buwan ng Pebrero.
Marami na ring mga Pilipino ang nag-hihintay sa vaccine rollout.
Pero pagbibigay diin ng DOH, hindi magic pill ang covid-19 vaccines at kailangan pa ring responsableng sundin ng publiko ang minimum public health standards
“Who and even our experts recommending and even the other experts in other countries have already included this in their announcements na kahit na nabakunahan ka na, you still need to wear your mask, you still need to wear your face shield, you still need to do the physical distancing, avoiding crowded areas, and all. ani DOH Spokesperson, Usec. Maria Rosario Vergeire.
Ayon pa sa DOH, kahit saan mang panig ng mundo ay pinag- aaralan pa rin ang epekto ng mga dine- develop na vaccines.
Ang tiyak ngayon ay makapagbibigay ng proteksyon ang mga bakuna kontra Covid-19 .
“Kasi yung bakuna wala pa pong sapat na ebidensya na it can block transmission, ibig sabihin wala pa tayong ganoong ebidensya/ sufficient evidence to have that assurance na hindi na ako mahahawa pag meron na akong bakuna. Ang nakikita palang ngayon sa mga ebidensya na meron tayo dito sa mga bakunang inilalabas ay ito ay nakaka less ng chances of having this full blown clinical disease, less chances of being hospitalize, and less chances of dying.” ani DOH Spokesperson, Usec. Maria Rosario Vergeire.
Panawagan din ng DOH sa publiko, magtiwala sa mga hakbang ng pamahalaan sa pagsusuri at pagbili ng Covid-19 vaccines
Muling tiniyak ng DOH na hindi bibili ang pamahalaan ng bakuna na hindi apurbado ng Food and Drug Administration (FDA).
Tiniyak din nito na makatatanggap pa rin ng sapat na supply ng Covid-19 vaccines ang Pilipinas kahit may kompetisyon sa pag-uunahang makakuha ng bakuna ang mga mayayamang bansa sa ilalim ng Covax facility .
Samantala, nilinaw naman ng DOH na libre ang darating na 30-M doses ng Covid-19 vaccines mula sa Covax facility sa unang quarter ng taon .
(Aiko Miguel | UNTV News)
Tags: Covid-19 Vaccines