Bahagi ng itinatayong Skyway Stage 3 project sa Quirino Manila, bubuksan sa mga motorista sa 2nd quarter ng 2018

by Radyo La Verdad | August 9, 2017 (Wednesday) | 3335

Inispeksyon kanina ng DPWH at DOTR ang kontruksyon ng Skyway Stage-3 project, sa bahagi ng Quirino Avenue sa Maynila.

Ang 14.82 kilometer skyway ay isang elevated expressway mula sa Buendia, Makati hanggang Balintawak sa Quezon City.

Mayroon itong walong interchange sections, ang Buendia, President Quirino Avenue, Plaza Dilao, Nagtahan, Aurora Boulevard, E. Rodriguez Avenue, Quezon Avenue, Sgt. Rivera at Balintawak sa Quezon City.

Sa pamamagitan nito, ang dating dalawang oras na byahe mula Makati hanggang Quezon City ay magiging dalawampung minuto na lang. Sa Ngayon ay sinisikap na ng DPWH na tapusin ang bahagi ng Quirino exit upang mapakinabangan na ng mga motorista sa susunod na taon.

Ayon sa ahensya sa ngayon ay nasa 30 porsiyento pa lamang ang itinatayong skyway stage 3 project ng DPWH ang kanilang natatapos, na inaasahan namang makukumpleto pagsapit ng taong 2020.

Samantala inaasikaso na rin ng DPWH ang nasa 50 porsyento ng right of way issues, o  mga residential at business establishment na tatamaan ng itinatayong proyekto.

Plano ng DPWH at DOTR na utay-utayin ang pagbubukas ng skyway, depende sa bahaging matatapos.

Oras na makumpleto ang proyekto inaasahang makatutulong ito sa pagpapaluwag ng trapiko sa Metro Manila dahil tinatayang nasa 55-libong mga sasakyan ang mababawas sa Edsa at c5 araw araw.

Sa ngayon ay pinag-aaralan pa ng DOTR at Toll Regulatory Board  kung magkano ang ipapataw na toll sa skyway extension.

 

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,