Baha sa ilang bahagi ng Bulacan hindi pa rin humuhupa

by Radyo La Verdad | October 20, 2015 (Tuesday) | 2654

BULACAN
Wala nang nararanasang pag-ulan sa Bulacan ngunit hindi pa rin humuhupa ang baha sa dalawampu’t limang barangay sa Calumpit.

Ito ay dahil sa Bulacan humuhugos ang tubig mula sa mga umapaw na ilog sa Nueva Ecija at Pampanga River.

Sa tala ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction Management Council, isa hanggang apat na talampakan pa rin ang baha sa labing-apat na barangay habang ang Calumpit to Pulilan Road ay hindi rin madaanan sa ngayon ng mga maliliit na sasakyan.

Patuloy ring binabantayan ang pagtaas ng baha sa Hagunoy dahil isa ito sa catch basin ng tubig mula sa Nueva Ecija.

Sa ulat pa rin ng PDRRMC, mahigit tatlong daang pamilya ang nasa evacuation centers ngayon sa Paombong at Calumpit habang hinihintay ang tuluyang paghupa ng baha.

Sa bayan naman ng San Miguel ay tanging sa Barangay Mandile na lamang may pagbaha.

Samantala sa bahagi naman ng Nueva Ecija ay nagsisimula nang maglinis ng kani-kanilang mga bahay ang ilang residente kahit hanggang binti pa ang taas ng baha sa ilang lugar.

Pahirapan ang paglilinis dahil maliban sa tubig ay nabalot rin ng putik ang kanilang mga gamit.

Ang iba namang nagsilikas na residente ay nananatili pa rin sa mga evacuation center habang hinihintay ang tuluyang paghupa ng tubig.

Ayon sa Cabanatuan Social Welfare Office, mabilis tumaas ang baha sa kanilang lugar dahil bukod sa epekto ng bagyong lando ay kailangan na ring isailalim sa dredging operations ang mga ilog at water ways dahil sa mga naiipong lupa at basura.( Nestor Torres / UNTV News )

Tags: , ,