Bagyong may international name na “Yutu”, posibleng pumasok sa PAR sa Sabado

by Radyo La Verdad | October 25, 2018 (Thursday) | 2783

Patuloy ang paglakas ng typhoon “Yutu” na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility sa Sabado. Kaninang quatro ng madaling araw ay namataan ito ng PAGASA sa layong 2,535km sa silangan ng Central Luzon.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 210km/h at pag-bugso na aabot sa 260km/h. Kumikilos ito pa-northwest sa bilis na 20km/h.

Ayon sa PAGASA, posibleng maabot ng bagyong “Yutu” ang super typhoon category pagpasok nito sa PAR subalit maaaring humina bago lumapit sa bansa.

Sa ganitong lakas ng bagyo ay maaari itong makasira ng mga pananim at istruktura, lalo na ang mga gawa sa light materials.

Ayon sa PAGASA, posibleng tumama o mag-landfall ang bagyo sa Cagayan area sa Martes o Miyerkules subalit maaari pang mabago ang direksyon nito.

Sa ngayon ay apektado ng intertropical zone ang Mindanao.

Makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan sa Davao Region at Soccsksargen habang good weather naman sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Tags: , ,