Lumakas pa ang bagyong may international name na “Mangkhut” habang papalapit ito sa Philippine area of responsibility (PAR).
Namataan ito ng PAGASA kaninang 3am sa layong 1,390km sa silangan ng Southern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hangin na 200kph at pagbugso na aabot na sa 245kph. Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 20kph.
Ayon sa PAGASA, papangalanan itong Ompong sa oras na pumasok ito sa PAR ngayong araw at inaasahang tatahakin pa rin nito ang direksyon patungo sa Northern Luzon.
Ayon sa ahensya, posibleng tumawid ang mata ng bagyo sa pagitan ng Cagayan at Batanes sa Sabado.
Palalakasin din ng bagyo ang habagat na ngayon ay nagpapa-ulan sa Palawan, Western Visayas at Zamboanga Peninsula.
Dahil din sa habagat ay makararanas ng mga pag-ulan ang iba pang lugar sa bansa kasama na ang Metro Manila sa mga susunod na araw habang papalapit ang bagyo.
Ayon sa PAGASA, pinakamakararanas ng mas matitinding pag-ulan sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Apayao, Ilocos Norte at Batanes.
Tags: Bagyong Mangkhut, PAGASA, PAR