Napanatili ng bagyong Hanna ang lakas nito habang tinatahak ang direksyon patungong Batanes.
Ang bagyong Hanna ay may taglay na lakas ng hangin ng hanggang 165 kilometers per hour (kph) at may pagbugso ng hanggang 200kph.
Kaninang alas-4:00 ng hapon, namataan ang bagyo sa layong 715 km sa silangang bahagi ng Basco, Batanes.
Patuloy na kumikilos ang bagyo pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20kph. Tinatayang magdudulot ng katamtaman hanggang mabigat na buhos ng ulan sa loob ng 700 kilometer diameter mula sa mata ng bagyo.
Inabisuhan naman ng PAGASA ang mga mangingisda na huwag munang pumalaot sa Northern at Eastern seaboard ng Luzon, Palawan, Masbate, ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Kasalukuyan ngayong binabayo ng habagat na dulot ni Hanna ang rehiyon ng MIMAROPA, Visayas at Mindanao.
Nagbabala rin ang PAGASA sa mga residenteng nakatira sa mga mababa at bulubunduking lugar na magingat sa flashflood at landslide.
Nakataas pa rin ang storm signal warning no.1 sa lalawigan ng Batanes.