Pasok na sa Philippine area of responisibility (PAR) ang Bagyong Gardo kaninang alas tres ng madaling araw.
Namataan ito sa layong 1,325km sa silangan ng Basco, Batanes. Taglay nito ang lakas ng hangin na 200kph at pagbugso na aabot sa 245kph. Mabilis ang pagkilos nito na 30kph sa direksyong west northwest.
Kapag tumuntong na sa 220kph ang sustained winds ni Gardo ay pasok na sa kategoryang super typhoon.
Maliit pa rin ang posibilidad na tumama o mag-landfall ito sa anomang bahagi ng bansa, subalit pinalalakas ng bagyo ang habagat na nakakaapekto sa Luzon at Visayas.
Base sa forecast ng PAGASA, makararanas ng mga pag-ulan sa Mimaropa at Western Visayas. Maaari itong magdulot ng pagguho ng lupa at pagbaha lalo na sa mga mabababang lugar. May paminsan-minsan ding pag-ulan sa Metro Manila, Calabarzon, Bicol Region, Zambales, Bataan at Aurora hanggang bukas.
Inaasahang mas lalakas ang epekto ng habagat sa Miyerkules lalo na sa western section ng Luzon.
Mapanganib na pumalaot sa hilaga at silangang baybayin sa Northern Luzon dahil sa maalong karagatan.
Sa Miyerkules ay inaasahang lalabas na ng PAR si Gardo.
Tags: Bagyong Gardo, Batanes, PAR