Bagyong Domeng, bahagyang lumakas

by Radyo La Verdad | June 8, 2018 (Friday) | 2272

Nasa loob pa rin ng PAR ang Bagyong Domeng. Namataan ito ng PAGASA kaninang ika-3 ng umaga sa layong 470km sa silangan ng Casiguran, Aurora.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 60kph at pagbugso na aabot sa 75kph. Kumikilos ito pahilaga sa bilis na 15kph.

Ayon sa PAGASA, hindi na inaasahang tatama o maglalandfall ang bagyo subalit pag-iibayuhin pa rin nito ang habagat na siyang nagpapaulan ngayon sa bansa.

Makararanas ng malalakas na pag-ulan sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, mga lalawigan ng Aurora, Bataan at Zambales.

May mga pag-ulan din sa nalalabing bahagi ng Luzon at Visayas na maaaring makapag pabaha sa mababang lugar.

Magkakaroon naman ng bahagyang maulan hanggang sa maulap na papawirin ang Mindanao subalit makararanas pa rin ng papulo-pulong pag-ulan.

Sa Linggo ay inaasahang lalabas na ng PAR ang Bagyong Domeng.

 

Tags: , ,