Japan – Nag-iwan ng malaking pinsala ang Bagyong Hagibis sa bansang Japan. Ayon sa mga awtoridad, umabot na sa 58 na katao ang namatay, 14 ang nawawala at halos 200 ang mga sugatan.
Ayon naman sa mensahe na ipinadala sa UNTV ng Philippine Embassy sa Japan, wala pang naiulat na Pilipinong nasawi sa Bagyong Hagibis.
Araw ng Sabado (October 12) ng maramdaman ng malaking bahagi ng Japan ang hagupit ng Bagyong Hagibis, maraming mga residential area ang binaha dahil sa pag-apaw ng mga ilog.
Samantala, nasa 160 mga pasyente ang kailangang ma evacuate sa ibang ospital, pagtutulung tulungan ng mga staff ng sategaya hospital, mga kaanak ng pasyente at maging ng Japan self defense force ang evacuation.
Ang Bagyong Hagibis ay pang 19 na bagyo na tumama sa Japan ngayong taon, nag land fall ito sa Izu Peninsula noong Sabado (October 12) ng gabi. Itinuturing na pinakamalakas na bagyo na tumama sa Japan ang Hagibis sa nakalipas ng mahigit 60 taon.
(RL KAMIYA | UNTV NEWS)
MANILA, Philippines – Nag-alok ng Humanitarian Assistance si Pangulong Rodrigo Duterte sa Japan matapos manalasa doon ang Super Typhoon Hagibis nitong Sabado.
Ayon sa pahayag ni Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo, nagbigay ito ng direktiba sa Department of Foreign Affairs (DFA) na makipag-ugnayan sa counterpart nito sa Japan kung ano ang tulong na maaaring maipagkaloob ng Pilipinas.
Nagpaabot din ng pakikisimpatya ang Pangulo sa mga mamamayan at pamahalaan ng Japan dahil sa bilang ng mga nasawi at nawalan ng tirahan bunsod ng kalamidad.
Nakaantabay naman at nakatutok ang Philippine Embassy sa Tokyo sa sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa Filipino Community sa mga naapektuhang lugar sa Japan.
(Rosalie Coz | UNTV News)
MANILA, Philippines – Mababawasan na simula sa September 1, ang mga araw at oras na mawawalan ng suplay ng tubig ang mga customer ng Maynilad at Manila Water.
Kasunod ito ng gagawing pagdaragdag ng National Water Resources Board (NWRB) sa sukat ng alokasyon ng tubig na ibinibigay sa Metro Manila.
Ayon kay NWRB Executive Director Servillo David Jr, ang pagdaragdag ng alokasyon ay bunsod ng patuloy na pagangat ng lebel ng tubig sa Angat dam.
As of 7-am kahapon (August 26),umakyat na minimum operating level ang antas ng tubig sa dam na 180.7 meters. Dahil dito, asahan na mabawasan na ang mga araw at oras ng water service interruption ng Maynilad at Manila Water sa kanilang mga customer.
“Magkakaroon ng improvement sa services gun and inexpert nation with this additional releases na from angat dam expect this September 1” ani NWRB Director Servillo David Jr.
Bukod pa rito, ibabalik na rin ng NWRB ang 30 cubic meters na alokasyon ng tubig para sa irigasyon na ibinibigay sa mga sakahan sa Bulacan at Pampanga.
Nitong nakaraang mayo, pansamantalang sinuspinde ng nwrb ang alokasyon sa irigasyon dahil sa pagsadsad ng tubig sa Angat dam.
Samantala ayon naman sa Pagasa posibleng magtuloy-tuloy na ang pagtaas ng tubig sa angat sa mga susunod na araw.
“Kasi nandito na tayo sa tag-ulan may mga bagyo at may mag inexpect pa tayo na bagyong dadating so inaasahan based from the historical naman natin na mga data nakikita natin during these month talaga tumataas ang elevation ng Angat dam” ani PAGASA Hydrologist, Shiela Schneider.
Bukod sa Angat, patuloy ring tumataas ang lebel ng tubig sa La Mesa dam, Ambuklao at Ipo dam.
(Joan Nano | UNTV News)