Bagyong Chedeng, lalo pang humina – PAGASA

by dennis | April 2, 2015 (Thursday) | 1775

PAGASA5

Humina ang bagyong Chedeng habang papalit ito sa kalupaan.

Kaninang 10:00pm, namataan ang bagyo sa layong 885 km, sa Silangan ng Virac, Catanduanes. Mayroon na lamang itong lakas ng hangin na hanggang 165kph malapit sa gitna at pagbugso ng hangin ng hanggang 200kph.

Tinatayang gagalaw ito patungong direksyong Northwest sa bilis na 15kph.

Sa loob ng 24 oras, ang bagyong Chedeng ay tinatayang nasa layong 825km, Silangan ng Baler, Aurora.

Ayon sa PAGASA, ang estimated rainfall amount na idudulot ng bagyo ay nasa moderate to heavy sa loob ng 150-200 km radius.

Dahil sa pagbagal ng bagyo, inaasahan na tatama ito sa kalupaan ng Aurora-Isabela area Linggo ng gabi, Abril 5.

Inaasahan naman na lalabas ito ng Philippine Area of Responsibility Lunes ng gabi, Abril 6.

Nagpaalala naman ang PAGASA sa publiko na nakatira sa mga mababang lugar sa banta ng flashflood at landslide naman sa mga nakatira sa mga bulubunduking lugar.

Posible din anila ang banta ng storm surge ng hanggang 3 metro sa eastern coast ng Aurora, Quezon at Isabela.

Pinayuhan din ang mga mangingisda na huwag munang pumalaot sa eastern seaboard ng Aurora, Quezon, Bicol region at sa Visayas.

Nagpaalala rin ang PAGASA sa mga nagbabakasyon malapit sa mga beach na iwasan muna ang mga outdoor activity simula sa Sabado.

Abangan ang susunod na weather bulletin bukas ng umaga, 11:00am, Abril 3.

Tags: ,