Bagong tulay sa Eastern Samar na nag-uugnay sa malalayong bayan hanggang sa highway, natapos na ng DPWH

by Radyo La Verdad | July 2, 2022 (Saturday) | 957

Pinagdugtong ang malayong bayan ng Jipapad, Eastern Samar sa national highway sa pamamagitan ng isang bagong gawang tulay na pinondohan ng pamahalaan.

Tinatayang P250-M halaga ang bagong tulay na nagsimula noong 2017 at natapos nitong Hunyo sa pakikipagtulungan ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) at ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ang 240-meter concrete bridge ang pumapalit sa wooden bridge na dating daanan ng mga residente mula sa sentro ng bayan para tumawid sa isang malaking ilog at mababang lugar upang makarating sa national road.

Sa isang phone interview ng program manager ng OPAPP ng Eastern Visayas na si Imelda Bonifacio, sinabi nito na P150-M pondo para sa proyekto ang ibinigay ng OPAPP sa pamamagitan ng Payapa at Masaganang Pamayanan (Pamana) project nito.

Ang natitirang P100-M ay inilabas ng DPWH. Dagdag niya, na ang Jipapad ay isa sa mga pilot area ng Pamana na itinayong may kalsada at tulay para konektado ang geographically isolated town sa main road na papunta sa Borongan City at sa Pacific towns ng Northern Samar.

Ang bahagi ng kalsada ay natapos na ng gobyerno noong 2017. Habang noong 2014, pinondohan ng Pamana ng OPAPP ang isang P110-M na nagdudugtong sa ilang nayon ng bayan sa isang highway sa nayon ng Imelda ng bayan ng Lapinig sa Northern Samar.

Gayunpaman, itinulak ng gobyerno ang pagtatayo ng kalsada at tulay patungo sa bayan ng Jipapad at upang umunlad at aksyunan ang mga reklamo ng mga residente dahil kawalan ng access sa panahon ng bagyo at pagbaha.

(Sunny Mhon Torres | La Verdad Correspondent)