Bagong SRP sa mga school supplies, ilalabas ng DTI sa susunod na buwan

by Radyo La Verdad | April 20, 2018 (Friday) | 2981

Malayo pa ang pasukan subalit tumaas na ang presyo ng ilang mga school supplies sa merkado.

Sa Mega Q Mart sa Quezon City, may ilang nagtitinda ang nagbabalak ng magpatupad ng dagdag-presyo.

Ayon sa mga nagtitinda, kahit naibagsak sa kanila ng medyo mataas ang presyo ng school supplies, hndi na muna nila ito ipinapatupad dahil matumal ang bentahan ngayon. Hihintayin rin nila ang bagong Suggested Retail Price (SRP) na ilalabas ng Department of Trade and Industry (DTI).

Ang dating 11 pesos na notebook, plano nilang itaas sa 12 pesos, mas mahal naman ang magandang klase, mula sa dating 45 pesos, magiging 50 pesos na. Ang notepad na nagkakahalaga ng 10 pesos ay magiging 12 pesos na.

Tataas rin ang presyo ng branded na crayons, 25 pesos mula sa dating presyo na 20 pesos.

Ayon sa DTI, maglalabas sila ng bagong Suggested Retail Price o SRP ng school supplies upang mabigyan ng gabay ang mga consumer.

Samantala, pinagpaliwanag ng DTI ang mga paper manufacturer sa kanilang ipinatupad na dagdag-presyo.

Ayon sa mga manufacturer, tumaas ang presyo ng raw paper sa pandaigdigang merkado kung kaya’t apektado ang mga paper products.

Nangako naman ang mga paper manufacturer sa DTI na hindi na sila magtataas ngayong taon matapos ang ipinatupad na dagdag-presyo kamakailan.

Makikipagpulong naman ang DTI sa malalaking school supply retailers upang alamin ang panig ng mga ito kaugnay sa ipinatupad na dagdag-presyo.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,