Bagong SRP ng mga pangunahing bilihin, inilabas ng DTI ; presyo ng ilang produkto, tumaas

by Erika Endraca | September 3, 2021 (Friday) | 6146

METRO MANILA – Aprubado na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang hiling na dagdag presyo ng mga manufacturer ng ilang pangunahing produkto dahil na rin sa mataas na halaga ng raw materials.

Noong Linggo August 29, inilabas ng DTI ang bagong listahan ng Suggested Retail Price (SRP), kung saan tumataas ng nasa 20 centavos hanggang piso ang dagdag presyo sa halos 70 grocery items.

Kabilang sa mga nagtaas ng presyo ang mga de lata gaya ng corned beef, sardinas, luncheon meat maging ang meat at beef loaf.

Bagaman nauna nang sinabi ng DTI na hindi hihigit sa piso ang dagdag presyo, ipinaliwanag ng ahensya na hindi maiiwasan na may ilang delata ang malaki ang itinaas dahil sa sangkap na ginagamit dito.

“Ito yung corned beef na isang item na tumaas by P2.85 or 75 centavos pero ito ‘yung matagal na, na hindi gumagalaw, pending yung request niya for increase from 2019. 2 years naghintay ang manufacturers natin, meron kaming mga pinagbigyan si Sec. Lopez nag-approve na rin nung mga talagang naipit na manufacturers kaya merong isang item na umakyat ng 2.85 pero isa lang po yun” ani DTI Usec. Ruth Castelo.

Kasama rin sa tumaas ang presyo ang noodles na may patong ngayon na nasa 25 centavos.

May dagdag presyo rin sa ilang mga condiment gaya ng patis, toyo, suka at iodized salt.

Maging ang ilang brand ng gatas gaya ng evaporada, condensada at powdered milk tumaas rin ng nasa 25 centavos hanggang P1.35.

At 15 centavos naman hanggang 60 centavos ang nagdagdag sa refill ng kape na 3 in 1.

Katwiran ng DTI, 2019 pa nang huling humirit ng dagdag presyo ang mga manufacturer.

“Inaalalayan rin natin ayaw naman natin na mag-fold ‘yung mga negosyo dahil hindi profitable sa kanila or lugi pa sila for that matter baka magsara o mag-lay off or tuluyang hindi i-produce yung produkto pagka hindi na nila tinuloy ang production nito mawawalan ng choices ang consumers ng mabababang halaga kaya napilitan na rin tayo na gumalaw ng presyo.” ani ani DTI Usec. Ruth Castelo.

Bagama’t epektibo na ang bagong price list, bibibigyan pa ng DTI ng sapat na panahon ang mga supermarket at grocery stores upang makapag-adjust sa bagong presyo at makapagpalit ng mga price tag.

Siniguro naman ng DTI na binabantayan rin nito ang hiling na taas presyo ng mga manufacturer at bineberipika sa international price survey.

Inaasahan namang maglabas ng bagong SRP ang DTI sa huling linggo ng Oktubre o Nobyembre para naman sa mga produktong napapanahon sa holiday season.

(Marvin Calas | UNTV News)

Tags: ,