Bagong SRP ng basic goods, pinag-aaralan pa ng DTI kung kailan ilalabas

by Radyo La Verdad | January 19, 2023 (Thursday) | 10273

METRO MANILA – Hindi na mapipigilan ang nakaambang pagtaas ng presyo ng ilang mga bilihin.

Paliwanag ng Department of Trade and Industry (DTI), bunsod ito ng paggalaw ng presyo ng mga raw material na inaangkat pa mula sa ibang bansa.

Pangunahing dahilan na rin nito ay ang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo na nagpapalaki ng gastos sa produksyon sa mga pagawaan.

Ayon kay DTI Undersecretary for Consumer Protection Group Ruth Castelo, tinatapos na lang nila ang computation o pagtataya sa ilang mahahalang datos kaugnay sa pagtaas sa presyo ng mga produkto.

Kapag natapos ito ay maglalabas na sila ng bagong Suggested Retail Price (SRP) ng basic necessities and prime commodities o ang mga pangunahing produkto na binabatayan ng ahensya.

Ayon sa DTI, kabilang sa mga produktong hinilingan ng taas-presyo ng manufacturers ay ang sardinas, processed milk, kape, instant noodles, tinapay, kandila, detergent soap, canned meat, sabong panligo at ilang condiments.

Sinabi naman ng Philippine Amalgamated Supermarket Association na naabisuhan na sila ng ilang manufacturers na tuloy na ang pagtataas ng presyo ng ilang produkto.

Ayon kay Steven Cua, Presidente ng naturang grupo ng mga supermarket owner, 2-20% ang itataas ng presyo ng ilang basic necessities at non essential products.

Ngunit binigyang-diin ni Castelo na maaari lang itaas ang presyo ng mga produktong nasa listahan ng DTI kapag naaprubahan na ito ng ahensya.

Gayunman, dagdag-hirap ito para sa ilang kababayan natin lalo pa sa mga nakatatanggap lang ng minimum wage.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,