Bagong round ng Community Quarantine sa bansa para sa Enero, inanunsyo na ng Pangulo

by Erika Endraca | December 29, 2020 (Tuesday) | 4398

METRO MANILA – Inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi (Dec. 28)  ang ipatutupad na bagong round ng community quarantine sa pilipinas simula sa araw ng biyernes, january 1, 2021 hanggang january 31, 2021. 

Mananatili ang General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila at Davao City.

GCQ din sa Isabela, Santiago City, Batangas, Iloilo City, Tacloban City, Lanao Del Sur, Iligan City at Davao Del Norte.

Samantalang ang nalalabing bahagi naman ng bansa ay sasailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ).

May pagkakataon namang umapela ang mga lokal na pamahalaan kaugnay ng kanilang bagong Covid-19 risk-level classifications.

Muli namang pinakiusapan ng Punong Ehekutibo ang publiko na manatili na lamang sa loob ng bahay kung wala namang importanteng gagawin sa labas.

“The rule is kung maaring wag ka nang lumabas ng bahay, wag ka nang lumabas” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Noong nakalipas na Sabado, nabanggit ng Punong Ehekutibo ang posibilidad na muling isailalim sa lockdown ang Pilipinas kung makakapasok sa bansa at kakalat ang bagong variant ng Coronavirus.

Ito rin ang dahilan kaya naghigpit sa pagbabantay ng border ang Pilipinas at pinagbawalan munang makapasok ang mga biyahero galing sa United Kingdom kung saan kumakalat na ang bagong Covid-19 variant.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,