METRO MANILA – Mapapaso na sa Biyernes (July 31) ang itinakdang quarantine measures sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa Malacañang, asahan nang bago mag-agosto, iaanunsyo ng administrasyon ang bagong quarantine classifications.
“Before August 1 po, malalaman po natin ang mga bagong klasipikasyon.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque
Ngayong araw, nakatakda nang magbigay ng rekomendasyon ang Department Of Health (DOH) sa mga datos nito kaugnay ng case doubling rate ng COVID-19 at, critical care utilization sa iba’t ibang panig ng bansa.
Pagkatapos nito, magsasagawa ng konsultasyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) sa mga lokal na pamahalaan gayundin sa Metro Manila Council.
Ito ay bago isumite ng IATF ang kanilang pinal na rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Inanunsyo naman ng palace official na bumuti ang kalagayan kabilang na ang Metro Manila kaugnay ng case doubling rate ng coronavirus sa bansa bagaman nananatiling nasa danger zone ang intensive care unit bed capacity.
Patuloy namang naniniwala rin si Secretary Roque na ang patuloy na pagdami ng kaso ay dahil sa mas pinaigting na testing capacity.
“Ang case doubling rate kasama na po ang metro manila, mas mataas pa nga, 8.9, it improved, dati po kasi 7, 8.9 mas matagal pa ang case doubling rate ng metro manila compared to the rest of the world” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
(Rosalie Coz| UNTV News)
Tags: August Quarantine