Nagpahayag ng suporta ang International Labour Organization (ILO) sa bagong batas na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong ika-17 ng Agosto.
Ayon sa ILO, ang RA 11058 na mas kilala bilang Occupational Safety and Health Standards (OSH) law ay magbibigay ng dagdag-proteksyon sa mga manggagawa laban sa mga abusadong employer.
Ayon sa DOLE, isa sa mga probisyong nakapaloob sa batas ang karapatan ng isang manggagawa na tumanggi kapag pinagta-trabaho sa mapanganib na mga sitwasyon. Kadalasan itong nararanasan ng mga linemen, factory workers at construction workers.
Nakapaloob din sa OSH law ang multa o administrative penalty na ipapataw sa mga employer na mapatutunayang lumabag sa itinatakda ng batas.
Aplikable ang OSH law sa lahat ng establisyemento, sites, projects kasama na ang mga establisyemento ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA).
Babala ng DOLE sa mga employer na hindi susunod, mas mabigat na ang penalty na kanilang kahaharapin.
Naniniwala ang DOLE na dahil sa umiiral na OSH law hindi na muli mangyayari pa ang kalunos-lunos na sinapit ng mga mangggawang nasawi sa Kentex fire sa Valenzuela City noong ika-13 ng Mayo 2015.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )