Sinubukan na ngayong araw ang beep card sa LRT line 2.
Kumpara sa mga kasalukuyang LRT cards na may magnetic stripes, ang tap and go cards na ito ay mayroon nang microchips kaya hindi na ito kailangang ipasok sa card slots kundi itatap na lang sa mga machine upang makapasok sa loading area.
At dahil contactless na ang bagong automated fare collection system,inaasahang makatutulong upang mas mapabilis at mapaigsi ang pila sa LRT at MRT.
Dalawang klase ang mabibiling beep card, isang single journey at stored value na nagkakahalaga ng 20 pesos at pwedeng ma loadan ng hanggang sampung libong piso.
Subalit kakalunsad pa lang, nakaranas na ng iba’t ibang problema ang mga pasahero sa paggamit at pagbili ng beep cards.
Isang estudyante ang nahirapang bumili ng stored value ticket dahil ayaw tanggapin ng vendo machine ang kanyang pera na kahit pinalitan ng bago ay ayaw pa rin tanggapin kaya napilitan siyang pumila upang bumili ng stored value ticket sa counter.
Ang isang vendo machine, nagkaroon naman ng sira at kinain ang perang papel ng isang pasahero kayat pansamantalang hindi nagamit.
Ayon sa LRT Management, natural lamang na magkaroon ng kaunting mga problema sa pilot testing, dahil dito nila malalaman kung ano pa ang mga pagbabago na kailangang gawin.
Sa ngayon, sa LRT Legarda Station pa lamang mabibili ang beep card subalit pwede na ito magamit sa lahat ng mga istasyon ng LRT Line 2.
Sunod na ilulunsad ang beep card sa Betty Go Belmonte Station matapos ang dalawang araw.
Ang smart card based technology ay katulad ng octopus card system na ginagamit ng mauunlad na bansa gaya ng Hongkong na magpapadali at magpapagaan sa paraan ng pagsakay sa mga tren sa Metro Manila.(Mon Jocson/UNTV News)