METRO MANILA – Nakatakdang ilabas ng Department of Education (DepEd) ang bagong curriculum para sa Kinder hanggang Grade 10.
Ayon kay Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte, pakikinggan nila ang mga komentaryo at suhestyon ng bawat sektor upang mabuo ito.
Nais ng ahensya na ayusin ang K-12 program ng bansa.
Sa ilalim ng K- 12 program, kailangang kumpletuhin ang 6 na taon para sa grade school, 4 na taon sa Junior High School at 2 years sa Senior High School.
Ngunit paglilinaw naman ni VP Duterte, hindi agad agad ang pagpapatupad ng new curriculum para sa K-12.
Pinag-aaralan pa ng ahensya ang curriculum para sa Grades 11 at 12.
Samantala, inilatag sa budget hearing kahapon (September 14) sa kamara ang mga proyektong nais isulong ng kagawaran sa ilalim ng kanilang proposed 2023 budget.
Sinagot din ng opisyal ang mga tanong kung paano masosolusyunan ang problema sa kakulangan ng klasrum, pagpapasweldo ng mga public school teachers at ang learning crisis sa bansa.
Nagpahayag naman si VP Duterte na kung mabibigyan ang ahensya ng P100-B pondo kada taon, posible aniyang masolusyunan ang problema sa edukasyon sa bansa sa loob ng 6 na taon.
(Aileen Cerrudo | UNTV News)
Tags: DepEd, K-12 Curriculum