Bagong job portal, binuksan ng Build, Build, Build, team ng pamahalaan

by Radyo La Verdad | May 30, 2018 (Wednesday) | 4454

Maari nang ma-access ng publiko ang bagong lunsad na jobs jobs jobs portal na binuo ng mga ahensyang kasapi ng Build, Build, Build program ng Duterte administration.

Tampok sa naturang job portal ang iba’t-ibang trabaho para sa mga proyektong nakapaloob sa Build, Build, Build program ng pamahalaan.

Ayon kay Department of Public Works and Highways Secretary Mark Villar, gamit ang job portal, maari nang malaman ng ating mga kababayan kung anu-anong mga trabaho ang hinahanap ng mga project contractor.

Dito rin makikita ng mga aplikante ang listahan ng mga requirement at ang proseso ng pag-aapply sa posisyon na nais nilang pasukan. Aabot sa mahigit labing-isang libong trabaho ang inisyal na bubuksan dito.

Subalit ayon kay Secretary Mark Villar, posible pa itong madagdagan sa mga susunod na buwan depende sa pangangailangan.

Kaugnay nito, hinikayat naman ng Build, Build, Build team ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na ikonsidera ang mga trabahong iniaalok sa binuksang job portal.

Ito’y upang hindi na sila mangibang bayan para kumita ng mas malaking halaga.

Tiniyak naman ni Secretary Villar na sisikapin ng pamahalaan at ng mga pribadong kumpanya ang pagbibigay ng makatwiran at sapat na sweldo para sa sinomang maga-apply ng trabaho.

Para sa mga interesadong aplikante, maaring bisitahin ang www.build.gov.ph

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,