Hindi pa inilalabas ng Department of Justice at ng Department of the Interior and Local Government ang resulta ng kanilang ginagawang pagbabago sa implementing rules and regulations ng Good Conduct Time Allowance o GCTA law.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, aayon na sa legal position ng pamahalaan ang bagong IRR. Ngayon ay lumulutang na ang mga posibleng baguhin sa IRR ng GCTA. Una na rito, ang dapat na malinaw na interpretasyon sa mga dapat na makinabang sa GCTA at hindi kasama umano dito ang heinous crime convicts. Bukod dito, nakasaad sa revised penal code na tinukoy mismo sa GCTA law na ang mga recidivist o mga paulit na ulit na lumalabag sa batas, mga ilang ulit nang nahatulan ng korte at mga takas ay hindi rin dapat makinabang sa GCTA. Ito ang isa sa mga kinukwestiyon din ngayon ng Office of the Ombudsman kung bakit hindi ito nakasama sa mismong IRR.
Ayon naman nila Senators Bong Go, Richard Gordon at Panfilo Lacson, dapat na unang makinabang sa muling pagkalkula ng sentensya sa ilalim ng GCTA ang mga preso na nasa minimum at medium security ng new bilibid prison. Ang tunay na intensyon ng batas na ito ay para anila sa kapakinabangan ng mga matagal nang nakapiit na matatanda at may karamdaman na.
Kaugnay nito, para sa Dean ng College of Law ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na si Attorney George Erwin Garcia, dapat na unahing ilabas ang panuntunan para sa mga sumusukong Persons Deprived of Liberty o PDL. Ito ay para matiyak aniya na walang magiging pag abuso at maging patas rin sa kanila ang ginawa nilang pagsuko sa kabila nang ginawang pagpapalaya sa kanila sa ilalim ng GCTA.
Sinabi pa ni Atty. George Erwin Garcia, Dean College of Law- Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, “Pero ano ang guidelines natin, hanggang kailan mo sila ikukulong , habambuhay mo muli silang ikukulong? Gaano kahaba? Ano ang polisiya? Bibigyan ko sila ng deductions sa pagkakakulong dahil sila ay sumuko? Hindi naman sila fugitive from justice, so walang guidelines, kinakailangan may guidelines muna dahil, napakahirap ng ganun, saan sila dadalhin pati, sa Bureau of Corrections muli? Sa Muntinlupa? Wala tayong guidelines, kinakailangan asap na asap na ang DOJ natin, ang DILG ay maglabas ng guidelines, panuntunan para pagbabasehan naman para malaman kung mapoprotektahan ang karapatan ng mga taong ito.”
Sa opinyon ni Attorney Garcia, may malaking legal issues sa muling pag-aresto sa mga napalayang convicts dahil sa GCTA, mas mabuti aniya na iakyat ang usapin na ito sa korte.
Dagdag pa ni Atty. George Erwin Garcia, “Hanggat walang desisyon ang korte na nagsasabing mali ang computation sa bawat isa, ‘yan ay lahat na regular, tama ang pagpapalaya sa kanila, masama man at masakit man sa kalooban isipin pero ‘yun po kasi yung batas natin, batas na sabihin man natin, sa palagay ng nakararami ay medyo mali na naipasa ng Kongreso.“
(Nel Maribojoc | UNTV News)
Tags: DOJ Secretary Guevarra, IRR