Bagong imbensyon na wind tower, tugon sa mataas na bayarin sa kuryente sa Camarines Sur

by Radyo La Verdad | March 16, 2016 (Wednesday) | 9785

ALLAN_WIND-TOWER
Isinusulong ngayon ng isang imbentor sa Bicol ang pagkakaroon ng wind tower sa lahat ng bayan at lungsod sa Camarines Sur na makapagsusuplay ng enerhiya sa pamamagitan ng hangin.

Ayon kay Ginoong Rodolfo Brocales, taga-Barangay Paolbo, Calabanga, Camarines Sur at rehistradong miyembro ng Filipino Inventors Society sagot umano ang kanyang imbensyon sa mataas na singil ng kuryente.

Aniya ang wind tower na may taas na 150ft ay maaaring makapag-produce ng mahigit sa 1 megawatts na kuryente, sapat para maka-suplay ng enerhiya sa isang barangay sa loob ng 24 oras.

Subalit kinakailangan umano ng nagkakahalagang 400 milyon pesos para maitayo ang wind tower.

Ang wind tower ay hango sa windmill sa Ilocos subalit ginawa niyang horizontal ang ikot ng elisi nito

Meron din umano itong solar energy connector kung sakaling mahina ang ihip ng hangin.

Hindi rin umano agad-agad na masisira ang pasilidad na ito dahil yari sa purong bakal ang katawan ng wind tower habang yari naman sa carbon fiber ang propeller nito.

Samantala, pondo na lamang ang hinihintay ng naga city upang maitayo ang wind tower sa roof top ng Brgy. Tabuco na pangungunahan ni Punong Barangay Jun Lavadia.

Naniniwala si Lavadia na malaking pakinabang ang imbensyon ni Brocales.

Ngayong buwan inaasahan naman na uumpisahan na ang konstruksyon ng wind tower sa Calabanga Camarines Sur.

Plano naman bilhin ng National Grid Corporation of the Philippines ang enerhiyang ipoproduce nito.

Sa taya ni Brocales ang bawat wind tower ay pwede magtagal hanggang 50 taon bago masira.

Umapela naman ng supporta sa gobyerno si Brocales bilang isang Filipino inventor.

(Allan Manansala / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,