Naglabas na ang Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth ng bagong guidelines sa cataract operation ng mga doktor sa kanilang mga accredited clinics at eye centers.
Batay sa bagong kautusan ng Philhealth,bawat doktor ay makakapagsagawa lamang ng isa hanggang sa sampung cataract operation kada araw na maaring ipareimburse sa Philhealth, habang hindi naman maaring lumampas ng hanggang sa limampung operasyon kada buwan ang kanilang aaprubahan.
Ipinatupad ng Philhealth ang bagong guidelines upang maiiwasan ang umano’y pagsasamantala sa mga pasyente, upang makasingil ng mas mataas na reimbursement mula sa Philhealth.
Bukod sa paglilimita ng cataract operations, inabisuhan na rin ang ilang training institutions ng Philippine Board of Opthalmology na magkaroon ng logbook.
Dito ililista ang mga gagawing operasyon ng kanilang mga miyembro, bilang bahagi ng residency training program na maaring magamit ng philhealth sa kanilang pagmomonitor.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y Philhealth reimbursement scam.
Ilang eye centers na rin ang pansamantalang sinuspinde ang Philhealth payment, dahil sa biglaang paglaki ng claims sa taong 2014.
Kabilang na rito ang Pacific Eye Center sa Makati at QC Eye Center.
Nangako naman ang Philhealth, na sa oras na mapatunayang walang nilabag na batas ang mga naturang eye center, babayaran ng ahensya ang kanilang claims.
Bukod sa pagiisyu ng bagong guidelines ukol sa cataract operation, pinagaaralan na rin ngayon ng Philhealth ang paglalagay ng kontrol mechanism ukol sa iba pang seribisyo na sakop ng ahensya upang maiwasan ang maling paggamit sa kanilang pondo. ( Joan Nano / UNTV News)
Tags: Philippine Board of Opthalmology, Philippine Health Insurance Corporation