METRO MANILA – Kasalukuyang tinatalakay ng Department of National Defense at Department of Education (DepEd) ang magiging bagong programa ng mandatory ROTC.
Ayon kay DND Officer-In-Charge Usec. Jose Faustino Jr., wala pang nakikita ang ahensya na mayroong nakaambang banta sa Pilipinas, ngunit dapat pa ring maging handa ang bansa.
Sa ilalim ng bagong ROTC program na ipinrisinta ng DND sa DepEd, tuturuan ang mga estudyante sa Grade 11 at 12 ng kasaysayan upang mamulat sila sa patriotismo at sa pagiging mabuting mamamayan.
Kasama rin na ituturo sa bagong ROTC program ang drug awareness, traffic rules at military history.
Saka lang aniya magkakaroon ng military training sa kolehiyo at dapat aniyang desidido muna ang estudyante na sumabak sa nasabing pagsasanay at pumasok sa hanay ng sandatahang lakas.
Iginiit din ng opisyal na hindi kasama rito ang Grades 11 at 12.
Isa ang mandatory ROTC sa prayoridad ng Marcos administration. Sa State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Hulyo, isinama nito ang mandatory ROTC sa kaniyang priority legislations.
Nilinaw naman ni Usec. Faustino na sisiguraduhin nilang magiging maayos ang implementasyon ng mandatory ROTC upang walang pang-aabuso na mangyari, na siya naman naging dahilan ng pagka-abolish nito noong 2001.
(Aileen Cerrudo | UNTV News)