Bagong deadline na itinakda ng Senado at Kamara para sa pagpasa ng BBL, tanggap ng Malacañang

by Radyo La Verdad | September 24, 2015 (Thursday) | 1401

BANGSAMORO
Walang nakikitang epekto sa magiging proseso ng pagtatatag ng Bangsamoro Political Entity ang bagong December 16 deadline na itinakda ng Senado at Kamara de Representante para ipasa ang panukalang Bangsamoro Basic Law.

Ayon sa Malakanyang, kung susuriing mabuti ang timeline ng pamahalaan ay hindi pa masasabing kapos sa panahon para sa transition period ng Bangsamoro Government at Autonomous Region in Muslim Mindanao.

“Doon naman sa nakikitang timeline kung ito ay maisasabatas kahit sabihin nating Disyembre na nga ay mayroon pa namang sapat na panahon para makapag-appoint ang Pangulo ng mga kasapi ng Bangsamoro Transitory Authority at mayroon pa namang sapat na panahon para magdaos ng isang plebisito” Presidential Communication Operations Office Sec. Herminio Coloma Jr

Nauunawaan rin ng Malakanyang na prayoridad sa ngayon ng mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso na pagpapasa ng pambansang budget.

Una na ring sinabi ni Pangulong Aquino na umaasa pa rin siya na maipapasa ang kontrobersyal na panukalang batas sa ilalim ng kaniyang administrasyon.

Oktubre ang orihinal na target ng Administrasyong Aquino na maipasa ang propose BBL bago ang pagpa-file ng Certificate of Candidacy ng mga kadidato sa 2016 elections.

Ito ay upang maisabay na rin sana ang eleksyon sa mga tatayong opisyal ng Bangsamoro Entity. (Nel Maribojoc / UNTV News)

Tags: ,