Bagong BuCor Chief Benjamin Delos Santos, handang magpatupad ng mararahas na hakbang upang linisin ang New Bilibid Prisons

by Radyo La Verdad | November 30, 2016 (Wednesday) | 1393

aiko_delos-santos
Sa kabila ng mahigpit na seguridad na ipinatutupad ng PNP-Special Action Force at paglalagay ng signal jammers, may nakakalusot pa ring mga kontrabando sa New Bilibid Prisons.

Aminado ang bagong BuCor Director na si Retired Police Chief Superintendent Benjamin Delos Santos na nagiging mapamaraan ang mga bilanggo sa pagpupuslit ng mga kontrabando.

Kaya’t handa siyang gumamit ng marahas na hakbang upang matuldukan na ang problema ng droga at katiwalian sa Bilibid.

Ayon sa opisyal, mahirap isipin na ang isang pasilidad para sa pagbabago ng mga bilanggo ay nagiging pugad ng mga kriminal na nakakapaghanapbuhay pa at nakakapagbigay ng karangyaan sa kanilang pamilya.

Tututukan din ng bagong hepe ng BuCor na maipatupad sa kabuuan ang modernization program ng ahensiya upang mabigyan ng maayos na pasahod at pagsasanay ang mga prison guard.

Pinalitan ni Delos Santos si dating BuCor OIC Rolando Asuncion na bumaba na sa pwesto nitong Lunes.

Tiwala naman si Justice Sec. Vitaliano Aguirre sa kakayahan ng retiradong heneral na maipatupad ang repormang ninanais ng Administrayong Duterte sa Bilibid.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: , ,