668 mga opisyales ng Armed Forces of the Philippines na may ranggong Colonel hanggang General ang kabilang sa listahan ng maaaring piliin ni Presumptive President Rodrigo Duterte bilang susunod na Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines.
Ayon sa tagapagsalita ng AFP na si Brigadier General Restituto Padilla Jr., ang mga matataas na opisyal ng militar o ang tinatawag na board of generals ang gumagawa ng shortlist of recommended officers at ang kalihim ng Department of National Defense ang nagbibigay ng endorsement sa pangulo.
Ang pangulo naman bilang Commander in Chief ng AFP ang naga-apruba nito.
Kamakailan, lumabas ang mga pangalan nina AFP Southern Luzon Command Lt. General Ricardo Visaya at Philippine Army Commander Lt. General Eduardo Año sa mga sinasabing pinagpipilian ni Duterte.
Gayunpaman, ayon sa AFP hanggang hindi pa nagkakaroon ng opisyal na announcement ang susunod na administration ay wala pang itatalagang AFP Chief of Staff.
Mananatili rin bilang acting Chief of Staff si LT. Gen. Glorioso Miranda.
Nilinaw naman ni Brigadier General Padilla na bihira ang pagkakataong mamili ang pangulo ng Chief of Staff nang wala sa listahan ng rekomendasyon.
(Rosali Coz/UNTV NEWS)