Baby girl, tinaguriang ‘new year baby’ sa Fabella

by Jeck Deocampo | January 2, 2019 (Wednesday) | 6674
Si Ginang Lenie Bonto at si ‘new year baby’ Zaira (PVI/ Daniel Iglesias)

Maynila, Philippines – Iniluwal ng isang ginang sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital ang isang baby girl na tinaguriang new year baby sa taong 2019.

Ikatlong anak na ni Ginang Lenie Bonto, 31-taong gulang at taga-Quezon City ang kaniyang bunsong si baby Zairah. Mahigit isang oras siyang nag-labour kaya naman bandang ala-1:05 na ng umaga nang nailuwal ang tinaguriang new year baby sa pamamagitan ng isang normal delivery.

Isang construction worker ang kaniyang asawa, pito at tatlong taon naman ang kanilang panganay at pangalawang anak. Ayon naman sa ginang, di na nila balak pang sundan ang kanilang ikatlong anak.

Makapagtapos po siya ng pag-aaral, at lumaki siyang mabait,” ani Ginang Lenie Bonto.

Ayon naman sa senior house officer ng Dr. Fabella Hospital, new year baby pa ring maituturing si baby Zaira kahit pasado ala-una na ng umaga ng unang araw ng Enero ito ipinanganak.

“We usually prepare ‘yung talaga pong ready vaginally deliver na for the new year but this case right now, almost an hour after, although it would be normal pa rin naman kasi she came 8 cm at 11:45 PM. Then 11:45pm, she had a vaginal delivery at 1 am. So still normal progress of labor.”

Ang Dr. Fabella Hospital ay itinuturing na isa sa busiest maternity ward sa buong Pilipinas at tinatawag pa itong ‘baby factory’ ng bansa. Tinatayang nasa 24,000 na mga sanggol kada taon ang ipinapanganak o 60-70 ang nanganganak kada araw sa nasabing pagamutan.  

May regalo namang ipinagkakaloob ang mga sponsor ng ospital para sa new year baby.

(Rosalie Coz / UNTV News)

Tags: , , ,