Babaeng nabundol ng isang sasakyan sa QC, tinulungan ng UNTV News and Rescue

by Radyo La Verdad | October 11, 2018 (Thursday) | 7820

Nakahiga pa sa kalsada ng datnan ng UNTV News and Rescue Team ang isang babae na biktima ng aksidente sa Quezon Avenue bandang alas onse y medya kagabi.

Kinilala ang biktima na si Cora Aranas, 56 anyos, residente ng Tondo, Maynila.

Ayon sa nakakitang pasahero at driver ng jeep, nabundol si Aranas ng isang UV Express pagkababa nito ng jeep.

Tumilapon si Aling Cora sa gitna ng kalsada at idinadaing nito ang pananakit ng kanyang binti. Nabangga din ng UV Express ang jeep.

Agad nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue ang mga pinsala at sugat sa katawan ng biktima.

Pagkatapos mabigyan ng first aid ay dinala ito ng grupo sa East Avenue Medical Center para sa karagdagang atensyon medikal.

Dinala naman sa tanggapan ng Quezon City traffic sector ang driver ng UV Express na si Sunny More Dela Cruz para sumailalim sa kaukulang imbestigasyon. Tumanggi na rin itong magsalita sa media.

Sinamahan naman ng asawa ng UV Express driver sa pagamutan si Aling Cora at nangako itong sasagutin ang gastos sa pagpapagamot sa biktima.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

Tags: , ,