Babaeng nabangga ng kotse sa Quezon City, tinulungan ng UNTV News and Rescue

by Radyo La Verdad | September 26, 2017 (Tuesday) | 3121

Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang banggaan ng dalawang kotse sa West Avenue Quezon City kaninang ala una y media madaling araw. Ayon sa mga nakasaksi, mabilis ang takbo ng Honda Civic at hindi ito nagmenor kaya nabangga ang sinusundan nitong Toyota Wigo na papakaliwa sana.

Itinatanggi naman ito ng nakabanggang driver at sinabing mabagal lang ang kanyang pagpapatakbo ng kotse.

Walang tinamong pinsala ang driver ng Toyota Wigo ngunit iniinda ng kasama nito na si Aimee Bernal, 20 anyos ang pananakit ng mukha at ulo.

Agad na nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang biktima at isinugod sa East Avenue Medical Center.

Samantala, isa namang biktima ng hit and run ang tinulungan ng grupo sa Quezon City flyover kaninang mag-aala singko ng madaling araw Ayon kay Noel Nadera,naglalakad siya at papasok na sana ng trabaho nang biglang banggain ng taxi na mabilis tumakas.

Nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawawan si Noel na nilapatan naman ng first aid ng UNTV Rescue at inihatid rin sa East Avenue Medical Center.

 

( Macky Libradilla / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,