Babaeng naaksidente sa motorsiklo sa Zamboanga City, tinulungan ng UNTV News and Rescue

by Radyo La Verdad | February 16, 2018 (Friday) | 3887

Namamaga ang kaliwang kamay ni Maria Ronabel Apolinario ng datnan ng UNTV News and Rescue Team sa Santa Maria Police Station sa Zamboanga City pasado alas nuebe kagabi. Agad itong nilapatan ng pangunang lunas ng grupo.

Ayon sa babaeng rider, nabangga ng isang motorsiklo ang kaniyang sasakyan. Tinamaan ng manibela ng nakabanggaang motorsiklo ang kaniyang kamay kaya ito namaga. Pagdating sa presinto, nagkasundo naman ang dalawang rider na mag-areglo na lamang.

Tinulungan rin ng UNTV News and Rescue Team ang dalawang biktima ng magkahiwalay na aksidente sa Baguio City kagabi. Galos sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang tinamo ni Jace Tofferson matapos bumangga sa isang pampasaherong jeep ang kanilang sinasakyang Tamaraw FX. Agad nilapatan ng pangunang lunas ng grupo ang biktima subalit tumanggi na itong magpadala sa ospital.

Samantala, nadatnan naman ng UNTV Rescue sa tanggapan ng Traffic Unit sa La Trinidad, Benguet ang duguang si Eric Biasen matapos bugbugin ng hindi pa nakikilalang mga suspek.

Ayon sa biktima, nakursunadahan siya ng isang grupo ng mga kalalakihan habang naghihintay ng masasakyan pauwi.

Agad nilapatan ng first aid ng Untv Rescue ang mga tinamong sugat at pamamaga ng biktima at pagkatapos ay dinala na ito sa Benguet General Hospital.

Nirespondehan din ng UNTV News and Rescue Team ang dalawang magkahiwalay na aksidente sa Cagayan de Oro City kaninang madaling araw.

Gasgas sa kanang kamay at pananakit ng binti ang idinadaing ng motorcycle rider na si Derick Paking matapos mabangga ng isa pang motorsiklo sa may zone 1, barangay Bulua. Bukol naman sa ulo at gasgas sa kaliwang binti ang kapwa tinamo nina Michelle Buratan at Arjan Celda matapos mabangga rin ng motorsiklo ang kanilang sinasakyang motor sa may zone 5 ng barangay Bulua.

Matapos malapatan ng first aid ay agad dinala ng UNTV News and Rescue Team sa Northern Mindanao Provincial Hospital ang mga biktima.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,