Babaeng motorista na nanakit ng taxi driver, sasampahan ng reklamong physical injury at damage to property

by Radyo La Verdad | December 19, 2017 (Tuesday) | 10383

Inulan ng sari-saring pambabatikos mula sa social media ang ginawang pananakit  ng isang babaeng motorista sa taxi driver na sinasabing nakagitgitan nito sa Congressional Avenue noong Linggo ng umaga.

As of 7 o clock kagabi, umabot na sa mahigit sampung milyon ang views ng viral video na mayroon ng halos 300-libong share.

Kahapon nagtungo sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang taxi driver na si Mang Virgilio Doctor, 52-anyos kasama ang kaniyang operator. Inasistehan sila ng legal department ng LTFRB upang makagawa ng affidavit at dumulog sa Land Transportation Office.

Ayon kay LTFRB Spokesperson Atty. Aileen Lizada, posible nilang irekomenda sa LTO ang kanselasyon ng drivers license ng babaeng nasa video na kinilalang si Cherish Sharmaine Interior, 31-anyos.

Kwento ni Mang Virgilio, binabaybay niya ang Congressional Avenue dakong alas nuebe ng umaga noong Linggo, nang makailang ulit na tangkain ni Interior na mag-overtake sa kaniyang minamaneho.

Ayon naman sa taxi operator na si Mang Arvin, mabait at responsableng driver si Mang Virgilio, kaya’t hindi makatwiran ang ginawa ni Interior.

Plano ng kampo ni Mang Virgilio na magsampa ng reklamong physical injury at damage to property sa Quezon City Prosecutors Office laban kay Interior.

Samantala, sa kaniyang facebook account, humingi naman ng paumanhin si Interior sa mga nangyari.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,