Nakapagtala ng bagong Guinness World Record si You Jianxia na may pinakamahabang pilikmata na may sukat na 12.4 centimeters o humigit kumulang five inches.
Ang karaniwang haba ng pilikmata ng mga tao ay umaabot lang sa 0.8 hanggang 1.2 centimeters, subalit ang pilikmatang tumutubo sa gilid ng magkabilang talukapmata o eyelids ni You ay may haba na umaabot na sa kanyang bibig.
Ayon sa apat na pu’t siyam na taong gulang na si You, ang kanyang pilikmata ay nagsimula lamang tumubo nang ganon kahaba noong nag-retire na siya sa kanyang trabaho bilang chairman ng isang multi-million dollar investment fund noong 2013.
Napansin na lang daw ni You na humahaba pa ang gilid ng kanyang magkabilang pilikmata noong magsimula siyang mas maging malapit sa kalikasan. Nakilala pa ito bilang “Flower Fairy” matapos niyang makapagtanim ng 1,600 rose varieties.
Aniya, ang mahabang pilikmata ay isang magandang bagay na nagsisimbolo ng kalusugan at kahabaan ng buhay. Kung ang ibang tao ay nawiwirduhan sa haba ng pilikmata ni You, siya naman ay ipinagmamalaki pa ito.
Naniniwala si You na may koneksyon ang kanyang bagong buhay at lifestyle sa kakaibang paghaba ng kanyang pilikma na umaabot na sa kanyang bibig.
Tags: Guinness World Record, pinakamahabang pilikmata, You Jianxia