Naabutan ng UNTV News and Rescue Team sa Iloilo City Police Station 3 na umiiyak at iniinda ang mga sugat sa katawan si Annie Rose Silva.
Ayon kay Silva, ang mga sugat ay bunga ng pagka kakaladkad ng riding-in-tandem criminals na nang agaw sa kaniyang bag sa may 24a Luna street, Jaro, Iloilo City pasado alas onse kagabi.
Hindi binitiwan ng biktima ang bag kaya siya nakaladkad. Agad nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV Rescue ang tinamong sugat ni Silva sa balikat, siko, kamay at paa. Tumanggi na itong magpadala sa ospital.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga pulis ang mga suspek na tumangay sa kaniyang bag.
Samantala, walang malay at nakahandusay sa kalsada ng datnan ng Untv News and Rescue Team ang motorcycle rider na si Mark Anthony Omena.
Bumangga ang sinasakyang motorsiklo ni Omena sa barrier ng Mindanao Avenue underpass kaninang mag-aalas dos ng madaling araw. Nagtamo si Omena ng galos sa ulo, hiwa sa kaliwang binti at pagdurogo ng ilong at bibig.
Ayon sa pulis, posibleng lasing ang rider dahil nangangamoy alak ito. Matapos lapatan ng first aid ay agad dinala ng grupo sa Pacific Global Medical Center ang rider.
Nirespondehan din ng UNTV News and Rescue Team ang aksidente sa Mindanao Avenue, corner Tandang Sora street kaninang pasado ala una ng madaling araw.
Ayon sa mga nakasaksi sa aksidente, bumangga sa concrete barrier ang sasakyang minamaneho ni Kevin Gonzales matapos siyang masagi ng isang kulay berde na dumptruck.
Iniinda ni Gonzales ang pananakit ng kaliwang braso. Laking pasasalamat naman ng biktima dahil bumukas ang air bag ng kanyang sasakyan.
Nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue ang biktima pero tumanggi na itong magpadala sa ospital.
Sinubukang habulin ng mga pulis ang dump truck subalit hindi na ito naabutan.
( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )