METRO MANILA – Nakatakdang magkaloob ng cash assistance at pansamantalang trabaho ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga manggagawang maaapektuhan sa pagpapatupad ng Alert Level 3 classification sa Metro Manila mula January 3 hanggang January 15, 2022.
Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, gagamitin ng kagawaran ang nakalaang pondo mula sa kanilang mga amelioration programs tulad ng COVID-19 Adjustment Measure Program (CAMP) para sa apektadong informal workers at ilang formal workers, habang ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced (TUPAD) naman sa mga manggagawang pansamatalang mawawalan ng hanapbuhay dahil sa paghihigpit sa pagpapatupad ng health protocols.
Sa ilalim ng CAMP, makakatanggap ng one-time P5,000 cash assistance ang mga naisumiteng pangalan ng mga benepisyaryo mula sa kanilang employers.
Samantala, pansamantalang trabaho sa loob ng 10 araw naman ang ipagkakaloob ng TUPAD para sa mga apektadong informal worker gaya ng self-employed tricycle drivers at vendors.
Bukod dito, humingi na rin ng tulong sa kagawaran ang mga employer mula sa tourism at food industry hingil sa magiging epekto sa kanilang sektor ng pagpapatupad ng Alert Level 3.
“Marami na ang nanghingi ng tulong. Apektado rin ang ang mga restaurant ng 30-percent capacity rule kaya magbabawas sila. Naiintindihan namin kung pansamantala silang mag-aalis ng ilan nilang manggagawa,” ani DOLE Secretary Silvestre Bello III.
Dagdag pa ng kalihim, aabot sa 30,000 hanggang 40,000 lamang ang maaaring mabigyan ng trabaho ng kanilang kagawaran mula sa tinatayang 100,000 kabuuang bilang ng apektadong manggagawa ayon sa inilabas na datos ng Department of Trade and Industry (DTI).
(Rachel Reanzares | La Verdad Correspondent)